Nagsimula sa P1,000 na puhunan, kumikita na ngayon ng halos P50,000 kada buwan ang isang 22-anyos na estudyante sa negosyo niyang pagtatanim ng lettuce o letsugas gamit ang hydroponics sa San Fernando, Pampanga.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa 24 Oras, sinabing sinimulan ng 4th year marketing student na si John Harold Zapanta ang pagtatanim ng letsugas nitong pandemya.
Sa hydroponics farming, hindi na kailangang magbungkal ng lupa para magpatubo ng gulay dahil sapat na ang tubig.
"Nagkataon kasi ngayong pandemic, wala tayong source of income. Nag-explore ako sa business na hindi naman ganu'n kalakihan. Sakto fit siya sa generation ko. Pinag-aralan ko tapos, nag-try kami sa medyo maliit na scale lang," sabi ni Zapanta.
Sa tulong ng ama, gumawa sina Zapanta ng DIY greenhouse at mga lalagyan ng tanim gamit ang mga styro ng ubas na hiningi nila sa palengke.
Ilalagay nila sa styro ang mga buto ng lettuce. Matapos ang dalawang linggo, ililipat ang mga ito sa downspouts o mga parihabang pipe para pasipsipin ng tubig.
Pagkatapos ng 25 araw, puwede nang anihin ang mga lettuce.
"Noong nag-start kami, talagang P1,000 siya. Maraming hindi pumabor dahil napaka-imposible raw nu'n. Pinakaginastos namin 'yung nutrients niya nasa P350, tapos seeds, say P50 po, coco peat," sabi ni Zapanta.
Mas mura rin ang hydroponics kumpara sa tradisyunal na farming. Maliban sa hindi ito nangangailangan ng maselan na maintenance at pagtatrabaho, mas maganda rin ang kalidad ng mga produktong maaani.
"Ang nutrients tsaka tubig na kailangan lang ng halaman, 'yun lang ang kakainin niya. Unlike sa soil, kapag nagtanim tayo roon, magdidilig na tayo, panibagong pagod 'yun. Dito, umiikot-ikot lang kasi. Matipid na siya sa fertilizer, matipid na siya sa tubig," ani Zapanta.
Mula sa 70 na letsugas na itinanim niya noong Abril 2021, meron na siya ngayong 2,000 letsugas sa kaniyang 150 square meter na greenhouse.
Kumikita na rin si Zapanta ng halos P50,000 kada buwan. —LBG, GMA News