LUCBAN, Quezon - Isang changeable hawk-eagle ang nasagip sa boundary ng bayan ng Lucban, Quezon at Majayjay, Laguna noong Huwebes at pinakawalan kinabukasan.
Kuwento ni Mike Borines na isang magsasaka sa lugar, aksidenteng pumasok sa kaniyang kulungan ng manok ang changeable hawk-eagle upang kainin o gawing prey ang mga alaga niyang manok.
Agad daw niyang ipinagbigay alam sa mga awtoridad ang pangyayari.
Nakipag-ugnayan si Borines kay Dr. Francisco Beltran ng Southern Luzon State University Forestry Department na siyang may alam tungkol sa mga Philippine hawk-eagle.
Nitong Biyernes, matapos matiyak na malusog at maayos ang kondisyon ng hawk-eagle ay pinakawalan ito sa Mt. Banahaw ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Southern Luzon State University Forestry Department, Tanggol Kalikasan at Sangguniang Bayan ng Lucban.
Bago pakawalan ay kinuha rin ang timbang, wing span at height ng hawk-eagle.
Ang changeable hawk-eagle ay makikita sa Southeast Asia. Ito ang uri ng hawk-eagle na pitong beses nagpapalit ng kanyang balahibo kaya tinawag itong changeable hawk-eagle.
Kabilang ang changeable hawk-eagle sa mga threatened species o mga nanganganib nang mawala dahil sa pagkawala ng mga kagubatan at paghuli ng mga tao. —KG, GMA News