Nahuli-cam sa Isabela ang pagkahulog mula sa motorsiklo ng isang babaeng dalawang-taong-gulang. Kasama ng bata na angkas sa motorsiklo ang kaniyang ina na may hawak pang sanggol.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," makikita sa video footage mula sa dashcam ni Anthony Tan ang umaarangkadang motorsiklo sa kaniyang harapan sa bahagi ng Barangay Victory Sur sa Santiago City, Isabela.
Maya-maya pa, nalaglag na mula sa motorsiklo ang bata na nakapuwesto sa pagitan ng rider at angkas na babae.
Mabuti na lang at nakatigil kaagad ang sumusunod na sasakyan kaya hindi nagulungan ang nahulog na bata.
Nang tumigil ang motorsiklo para puntahan ang nalaglag na bata, doon na nakita ang angkas na babae na may hawak pang sanggol.
Kaagad ding may dumating na police mobile sa lugar ng insidente.
Ayon sa pulisya, pamilya ang sakay ng motorsiklo na mga Indiano. Pauwi na raw ang mga ito nang mangyari ang insidente.
Tumanggi na raw ang mga magulang na dalhin sa pagamutan ang nalaglag na bata na nasa mabuti nang kalagayan. Kaya naman inihatid na lang daw ng mga pulis sa kanilang bahay ang mag-anak.
Paalala ng pulisya, bawal isakay sa motorsiklo ang mga batang wala pang pitong-taong-gulang. Dapat din na dalawang tao lang ang sakay ng motorsiklo.--FRJ, GMA News