Pumayag umanong makipag-areglo ang pamilya ng nasawing security guard matapos mabundol ng isang SUV habang nagmamando ng trapiko sa Dasmariñas City, Cavite, ayon sa pulisya.

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ni Dasmariñas Police chief Police Lieutenant Colonel Juan Oruga, na pinakawalan na nila ang driver ng SUV.

"Nagkaroon sila ng amicable settlement kaya po na-release na rin 'yung tao [driver]," ayon kay Oruga.

Hindi tinukoy ni Oruga ang pagkakakilanlan ng driver na naaresto nang araw na mabundol niya ang 52-anyos na biktima.

Nagmamando noon ng trapiko ang security guard sa tapat ng kaniyang pinagtatrabahuhan sa Barangay Salawag nang mahagip siya ng SUV na mabilis ang takbo.

Tumilapon ang biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Sabi pa ni Oruga, kasama sa mga reklamong isinampa laban sa driver ay paglabag sa Republic Act No. 10586 o anti-drunk driving law.

Pero dahil sa kasunduang pinasok ng pamilya ng biktima sa driver, iniurong na rin nila ang mga reklamo.

"Kung may amicable settlement at notaryado at 'yung mga kamag-anak naman talaga ay willing, walang magagawa ang pulis natin para i-pursue pa 'yung kaso," ayon sa opisyal.—FRJ, GMA News