Nagkainitan ang grupo ng mga kabataan sa Mandaue, Cebu, kung saan sapul sa CCTV ang batuhan nila ng bote sa kalsada, ayon sa ulat mula sa GMA Regional TV Balitang Bisdak sa Unang Balita nitong Biyernes.

Nakunan din ng CCTV ang isa sa kanila na may hawak na baril at nagpaputok.

Natunton ng pulisya ang dalawang sangkot sa gulo. Dinala sa shelter ang 14-anyos na binatilyo habang sa presinto ang bagsak na 18-anyos na lalaki.

Giit ng mas nakatatanda sa dalawa, rumesbak lang sila matapos pag-initan ng kabilang grupo ang kanilang kasamahan dahil daw sa kasamang babae.

Nangako naman ang pulisya na mas paiigtingin nila ang pagpapatrolya sa lugar lalo sa gabi. Hihigpitan din daw nila ang pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan. —KBK, GMA News