Nadiskubre ang bangkay ng isang lalaki na nadaganan ng mga punongkahoy nang magsagawa ng clearing operation matapos manalasa ang bagyong Florita sa Sto. Niño, Cagayan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV “Balitang Amianan” nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Rogelio Bernardino, 63-anyos.
Pauwi na raw ang biktima nang mangyari ang insidente, ayon sa awtoridad. Inakala naman ng pamilya, na nasa kamag-anak nila si Bernardino.
“Medyo humihina na [ang ulan], hindi niya alam paparating pa lang yung lakas ng bagyo natin. Kaya lumabas siya ng bahay. Itong kamag-anak naman hindi niya ine-expect na kakalabas pa lang niya, on the way may natumba na...natamaan lang siya. It’s really an accident,” sabi ni Sto. Niño Mayor Vicente Paguyaran.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang katawan ng biktima sa ilalim ng mga punongkahoy nang magsagawa na ng clearing operation sa lugar kinaumagahan.
“Sobrang sakit kasi ganun siya namatay,” saad ni Rowena Bernardino, anak ng biktima.
Ayon kay Paguyaran nagpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima.—FRJ, GMA News