Nahuli-cam ang banggaan ng dalawang motorsiklo sa Taal, Batangas matapos masagi ng isang rider ang isa pang rider. Nadamay sa aksidente ang isang kotse.

Sa ulat ni Dyan Loquellano sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV sa bahagi ng Barangay Buli nang masagi ng isang rider ang isa pang rider na nauuna sa kaniya.

Natumba ang nakabanggang rider, habang nawalan na kontrol ang nabanggang rider at tumama sa isang kotse.

Parehong nasugatan ang dalawang rider.

Napag-alaman na miyembro ng Coast Guard ang nakabanggang rider,  habang nagtatrabaho sa Taal Water District ang nabanggang rider.

Maghahatid naman ng estudyante sa eskwelahan ang sakay ng kotse.

Kaagad naman dumating ang rescue team sa lugar ng insidente.

Sinusubukan pa na makuha ang pahayag ng dalawang rider, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News