Patay ang isang 37-anyos na rider matapos sumempleng ang minamaneho niyang motorsiklo at mahagip ng paparating na truck sa Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si John Torres, residente ng Barangay Pinmaludpod, Urdaneta City sa Pangasinan.

Ayon sa pulisya, nag-overtake  umano si Torres sa isang tricycle sa bahagi ng Barangay Nancayasan, Urdaneta City, at nawalan ng kontrol hanggang sa sumempleng.

Nahagip pa si Torres ng isang truck na hindi tumigil at iniwan ang biktima.

Sinabi ng kaanak ng biktima na papauwi na si Torres galing sa trabaho nang mangyari ang trahedya.

Nananawagan ang live-in partner ni Torres sa driver ng truck na sumuko.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng truck.--FRJ, GMA News