Umakyat sa bubungan at nagprotesta ang daan-daang preso dahil sa hindi umano maayos na pagkain at pasilidad sa Iloilo District Jail sa Pototan, Iloilo.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing mababasa sa isang papel na ibinato ng preso sa mga miyembro ng media na may bubog umano ang inihahain sa kanilang kanin.
Bukod dito, kulang at kadalasan ding bulok umano ang ulam nilang isda.
Binabawasan pa umano ang padalang pagkain ng pamilya ng mga preso para mapilitan silang bumili sa tindahan sa loob.
Hiniling ng mga preso na masibak ang jail warden na Chief Inspector Norberto Miciano Jr.
Itinanggi naman ng tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology Region VI ang mga akusasyon ng mga bilanggo, dahil maayos ang pagkaing ibinibigay.
Ni-relieve bilang warden si Miciano habang isinasagawa ang imbestigasyon. —Jamil Santos/VBL, GMA News