Napatay sa saksak ng isang lalaki ang sarili niyang pinsan sa Malvar, Batangas. Ang suspek, napikon at ipinagtanggol lang daw ang sarili laban sa biktima na umano'y bully.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Reynate Sapasap, residente ng Barangay Pook, at security guard sa farm.
Nagtamo ng saksak sa tagiliran si Sapasap at hindi na umabot ng buhay nang dalhin sa ospital.
Arestado naman ang suspek na si Jeffrey Dela Cruz, na pinsan ng biktima, at kasama ring nagtatrabaho sa farm.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nag-iinuman ang magpinsan kasama ang ilan pang kalalakihan noong Linggo. Pero nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na humantong sa krimen.
Napikon umano ang suspek sa ginagawang pang-aasar at pananakit ng biktima, ayon sa pulisya.
"Yung ating victim laging binu-bully ang mga kasamahan niya sa trabaho. Hindi lang yung ating suspek kung hindi halos karamihan du'n sa empleyado ay kaniyang pinagtitripan," sabi ni Police Major Jonathan Amutan, hepe ng Malvar Police Station.
Nagsisisi naman si Dela Cruz sa nagawa niya sa kaniyang pinsan. Pero iginiit niyang ipinagtanggol lang niya ang sarili sa pananakit ng biktima.
Sinisikap pang mahingan ng pahayag ang pamiya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News