Isang 52-anyos na security guard ang nasawi matapos siyang mabundol ng humaharurot na SUV sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," makikita sa kuha ng CCTV camera ang biktima na nagmamando ng trapiko sa tapat ng kaniyang pinagtatrabahuhan sa Barangay Salawag.

Ilang saglit lang, makikita ang biglang pagdating ng SUV at nahagip nito ang security guard.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon pa ng ilang metro ang biktima. Isinugod siya sa ospital pero hindi na umabot ng buhay.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng SUV na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.

Sinisikap pang makuha ang pahayag ang driver ng SUV, at mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News