Black eye at mga pasa sa katawan ang inabot ng dalawang lalaki matapos silang kuyugin ng ilang residente dahil sa pagtatangka umano nilang dukutin ang isang batang babae sa Laguna. Ang alegasyon, itinanggi naman ng dalawa.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Malamig, sa Biñan City noong Sabado.
Ayon sa pulisya, batay sa kuwento ng menor de edad na babae, papalabas siya ng gate nang pilit siyang hinila ng dalawang lalaki at may isa pa umano na nagsilbing lookout.
Nagsisigaw umano ang bata para humingi ng tulong. Naalerto naman ang mga magulang ng bata kaya tumakbo ang mga suspek.
Pero nasakote ng mga residente ang dalawa at ginulpi. Nakatakas naman ang isa nilang kasamahan.
Sa loob ng piitan, itinanggi ng dalawa ang paratang laban sa kanila.
Nahaharap sila sa reklamong forcible abduction, habang patuloy na hinahanap ang isa pa nilang kasamahan.
Tinawag din ng pulisya na isolated case ang nangyari sa kabila umano ng mga social media post tungkol sa nangyayaring pagdukot umano sa ilang kababaihan lalo na ang mga bata.--FRJ, GMA News