Isang bangkay ng lalaki na may sugat sa ulo ang nakita sa gilid ng kalsada sa Pagbilao, Quezon. Noong lang nakaraang linggo, nakita sa gilid ng kalsada ang bangkay din ng isang lalaki sa Sariaya ng nasabi ring lalawigan.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing ang napadaang motorista ang nakapansin sa nakahandusay na bangkay noong Sabado ng umaga sa Diversion Road sa Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao.
Hindi kaagad na natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na may sugat sa ulo na pinaniniwalaang pinalo ng matigas na bagay.
Sa tulong ng social media post, kinalaunan ay nakilala ang biktima na si Arnold Pontiveros, 52-anyos.
Pinuntahan naman ni Eloisa Pontiveros ang police station para kilalanin ang bangkay. Nakumpirma niya kinalaunan na ama nga niya ang biktima.
Nagtatrabaho umanong meat vendor sa Valenzuela City ang biktima. Ayon kay Eloisa, Biyernes ng gabi nang huli niyang nakausap ang ama.
Naniniwala naman ang mga awtoridad na sadyang pinalo sa ulo ang biktima hanggang mamatay.
Wala namang maisip si Eloisa na posibleng nasa likod ng nangyari sa kaniyang ama.
Pero sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, natuklasan nila na nakulong na noon ang biktima dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa krimen.
Nitong nakaraang linggo, nakita sa gilid ng kalsada sa Sariaya ang bangkay ng isang lalaking dinukot sa Batangas. Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima. --FRJ, GMA News