Nahuli-cam ang pag-akyat ng isang kawatan sa isang bahay sa Talisay, Cebu. Nakayapak siyang umakyat sa bahay at nang bumaba, nakasapatos na at may bitbit na bag.

Sa ulat ni Fe Marie Dumabo sa GMA Regional TV News, unang nahagip sa CCTV camera ang kawatan na nagbibisikleta habang iniikutan ang bahay na tatargetin.

Hindi nagtagal, nakita siyang bumalik sa bahay na naglalakad na lang at nakayapak.

Ayon sa pulisya, umakyat ang kawatan sa ikatlong palapag ng bahay. Nagawa niyang makapasok sa pamamagitan ng pagdaan sa fire exit.

Wala umanong tao sa ikatlong palapag at natutulog sa ikalawang palapag ang mga biktima.

Pagkaraan ng 30 minuto, bumaba na ang kawatan na nakasapatos na, iba na ang kasuotan, at may bitbit na bag.

Umaabot umano sa P200,000 cash ang nakuha ng kawatan, pati na ang mga damit, sapatos, laptop, at iba pang gamit.

Gamit ang kuha ng CCTV, inaalaman na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng kawatan. --FRJ, GMA News