Naghihinanakit ang live-in partner ng lalaking dinukot sa Batangas at natagpuang patay sa Quezon lalo pa't idinadawit sa ilegal na gawain ang biktima.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabi ni Jane Cabello, na sosorpresahin daw sana siya ng biktimang si Eugene del Rosario, 25-anyos, nang gabing dukutin ito sa isang gas station sa Taal, Batangas.
Kinabukasan, nakita ang bangkay ni Del Rosario sa Sariaya, Quezon na may tama ng bala ng baril sa ulo at likod.
"After mangyari 'yon may mga citizen po du'n na siguro nakakita po, aktuwal na nakakita, may mga post po sila na mag-ingat po tayo, may dukutan na nangyari, si lalaki dinukot sa ano, ganyan. Hindi po pumasok sa isip ko na si Eugene 'yon," sabi ni Jane.
"Hanggang sa dumating yung madaling araw alas dos wala pa rin siya. Parang kinabahan na ako kasi may isa pang post du'n na ang describe nga yung suot ni Eugene," kuwento pa niya.
Giit ni Jane, hindi makaturangan ang ginawa sa kaniyang kinakasama.
"Iniisip ko na lang na nandun siya sa Maynila na hinihintay niya kaming umuwi. Hindi ko iniisip na wala na siya," sabi pa ni Jane na may isang anak kay Eugene na isang babae na isang-taong-gulang.
Masama rin ang loob ni Jane na idinadawit si Eugene sa "Bukas kotse" gang, batay sa naunang pahayag ng mga awtoridad.
"Kung sakali man na involved siya sa ganun, tama ba yung ginawa nila kung sino man sila? Kung involved si Eugene du'n, puwede nilang ikulong, bakit kailangan nilang pahirapan, patayin," sabi ni Jane.
Hiling niya na sana ay mabigyan ng hustisya si Eugene.
Ayon sa ulat, hindi na nagbigay ng pahayag ang hepe ng Taal police. Pero nauna nang sinabi ng Regonal Director ng PNP-Calabarzon na aalamin nila kung kasamahan ng biktima ang nasa likod ng krimen.
"I supposed ang abductors niyan is mga cohorts niya rin," sabi ni PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr., Acting Regional Director-PRO-Calabarzon. --FRJ, GMA News