Patay na nang matagpuan sa Quezon ang isang 25-anyos na lalaki, isang araw matapos siyang makuhanan sa CCTV na sapilitang isinakay sa sasakyan ng mga suspek habang nakatayo sa isang gas station sa Batangas.

Ayon sa Police Regional Office 4A, nitong nakaraang Martes nang dukutin ang biktimang si Eugene Del Rosario sa isang gas station sa Barangay Mahabang Ludlod sa Taal, Batangas.

Kinabukasan, nakita ang kaniyang bangkay sa gilid ng Eco Tourism Road sa Sitio Pontor Barangay Bignay 2 sa Sariaya, Quezon.

May takip ang mukha at nakatali ang kamay ni Del Rosario nang matagpuan. May tama siya ng bala sa ulo at likod.

Sa CCTV footage sa gas station, nakita ang biktima na bumaba mula sa isang bus dakong 7:53 p.m. noong Martes. Habang nakatayo sa gilid ng daan, dumating ang mga suspek na sakay ng dalawang sasakyan at sapilitang kinuha ang biktima.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na lumitaw sa kanilang imbestigasyon na nasangkot sa ilegal na aktibidad ang biktima.

"Ito pong asawa at ina ay nagbigay ng pahayag. Sinabi mismo na ito ay isa sa miyembro ng mga ‘Bukas-Kotse’ gang na nambibiktima dito sa ating probinsya at mga karatig-bayan,” ayon kay Taal, Batangas Police Station Chief Major Dante Majadas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagtukot sa biktima.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News