Ang mga daga na perwisyo sa mga magsasaka sa San Luis, Pampanga, naging biyaya sa isang 19-anyos na binata dahil kumita siya ng mahigit P87,000 sa pamamagitan ng paghuli sa mga naturang peste sa palayan.
Sa programang "i-Juander," sinabi ng magsasakang si Crispin Pena, na malaking problema sa kaniyang tanim ang mga daga.
Iba't ibang paraan na raw ang ginamit niya para mapuksa ang mga ito gaya ng paglalagay ng alambreng bakod na may kuryente.
Pero dahil may peligro rin sa tao ang de-kuryenteng bakod, nagdadala na lamang siya ng pamalo kapag nagpupunta sa bukid para hambalusin ang mga dagang makikita niya.
Para naman mahikayat ang mga magsasaka at mga tao na hulihin ang mga dagang bukid, naglunsad sila ng programa na "Wanted: Mr. Rat," kung saan babayaran nila ang bawat buntot ng mahuhuling daga sa halagang P5.
Dahil sa tagumpay ng programa na sinimulan noong 2020, mula sa P5, itinaas pa nila ang presyo ng bawat buntot ng daga sa P10.
Taon-taon, naglalaan ang lokal na pamahalaan ng P1 milyon para sa naturang programa. Maliit na halaga raw ito kumpara sa malaking perwisyo na idinudulot ng mga daga sa tanim.
Base umano sa isang pag-aaral, ang isang daga ay kayang umubos ng 25 kilo ng palay o bigas, na may katumbas na halagang P400.
Paliwanag ng isang opisyal ng LGU, sa loob ng dalawang taon na ipinatupad ang programa, umabot na sa 300,000 na daga ang kanilang napuksa. At ang natipid nito sa pinsalang maaaring idinulot nila sa taniman, nasa P120 milyon.
Bawat taon, kinikilala ng LGU kung sino sa kanilang mga kababayan ang may pinakamaraming daga na mahuhuli.
Nitong 2021, ang 19-anyos na si John Kennedy de Jesus, ang itinanghal na "Mr. Rat," dahil umabot sa 8,788 na daga ang kaniyang nahuli.
Ang katumbas na halaga nito, P87, 880.
Natigil sa pag-aaral si Kennedy dahil sa problemang pinansiyal kaya nakatutulong sa kaniyang pamilya ang panghuhuli ng daga.
Ginawa niya ang paghuli sa daga sa gabi kasama ng iba pang kalalakihan.
Bukod sa pangkuyente, may dala rin silang pamalo para manghuli ng daga.
Kung minsan, umaabot sa 100 daga ang nahuhuli umano ng grupo. Bukod sa P10 na bayad ng LGU sa bawat buntot ng daga, maaari ding maibenta ang karne ng dagang bukid sa halagang P120 bawat kilo.
Ang karne na hindi mabibili, ulam ang kauuwian.
Ang batikan sa "pagpalo" ng volleyball na national player at Kapuso na si John Vic de Guzman, hahamunin kung kayang pumalo para manghuli ng dagang bukid.
Maliban sa paghuli, kakayanin din kaya ni John Vic na kumain ng dagang bukid? Panoorin ang video ng "i-Juander." --FRJ, GMA News