Kasama sa mga inspirasyon ni Morris Montiel ang kaniyang tatlong-taong-gulang na anak sa kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa. Kaya hindi rin niya maiwasang masaktan na hindi siya kilala ng bata.
Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs, makikita na walang tigil sa pag-iyak ang bata nang kargahin ni Morris kahit pa bigyan niya ng kaniyang mga ipinamili.
Dahil hindi niya mapakalma ang anak, pinili na lang ni Morris na ibaba at bitawan na ang bata.
"Masakit sa akin 'yon na hindi niya ako kilala," emosyonal na pahayag ni Morris. "Hindi ko maramdaman na kahit aninag hindi niya ako kilala. Kahit nga mabanggit yung pangalan ko."
Pitong taon nang OFW sa Saudi Arabia si Morris, at hiwalay na sila ng ina ng kaniyang anak.
Hindi rin naman sinisisi ni Morris kung ganoon ang reaksyon sa kaniya ng anak. Wala rin siya nang isilang ang bata, at bihira din umano siyang makapag-video call habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
"Siyempre masakit sa part ko na tuwing umuuwi ako hindi ko siya nakakasama, siguro minutes ko lang siya nakikita," pahayag niya.
Nang magkaroon muli ng pagkakataon na makauwi, ang anak daw ang agad na nasa isip niya.
Kahit hindi siya kilala ng anak sa ngayon, handa raw si Morris na magtiis at patuloy niya itong susuuin habang may pagkakataon.
"Sabi ko 'nak si daddy 'to. Mahal na mahal ka ni daddy kahit hindi kita nakakasama," sabi ni Morris. --FRJ, GMA Integrated News