Isa na namang insidente ng pagtatayo ng poste ang nauwi sa trahedya matapos makuryente ang mga manggagawa. Sa pagkakataong ito, nangyari ang insidente sa Batangas kung saan isa ang nasawi at lima ang sugatan.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Sampaga sa Batangas City nitong Martes.
Ayon sa awtoridad, nagtatayo ng poste ng ilaw ang mga biktima na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang matamaan nila ang linya ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines.
"Pag-install, na overlook nila yung height ng high tension wire," ayon kay Ronaldo Frago, OIC, Construction section, DPWH II.
Nasawi sa insidente ang trabahador na si Nicolai Rivera. Dinala naman sa ospital ang lima niyang kasamahan na nasugatan.
Ayon sa pamilya ni Rivera, puro sa tawag pa lang at wala pa silang nakakausap nang personal mula sa kompanyang pinagtatrabahuhan ng biktima.
Nais nilang maliwanagan kung ano talaga ang nangyari sa insidente na ikinasawi ni Rivera.
Hiningan ng pahayag ang kompanya ng biktima pero hindi pa sila sumasagot, ayon sa ulat.
Pero ayon sa DPWH na nagpapagawa ng proyekto, tiniyak daw ng contructor na sasagutin ang gastusin sa nasawi at sa mga nasugatan.
Sa inilabas na pahayag ng NGCP, sinabi nito na dapat na may maayos na koordinasyon sa kanilang tanggapan kapag may gagawin na malapit sa kanilang linya para hindi na maulit ang insidente.
Matatandaan na isang lineman ang nasawi at sugatan ang dalawa niyang kasama nang makuryente rin sila habang nagtatayo ng poste na sumabit sa live wire sa Narvacan, Ilocos Sur. --FRJ, GMA News