Isang rescuer ang nagpaanod sa rumaragasang baha para iligtas ang isang binatilyong na-trap sa ilog at nakakapit lang sa puno sa Valencia City, Bukidnon.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nahirapang puntahan ng mga taga-City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ang binatilyo dahil sa malakas na agos ng tubig.
Dahil dito, nagdesisyon ang tauhan na si Kenneth Richard Cabaluna na tumalon sa tubig.
Nakuha ng rescuer noong una ang binatilyo at kumapit sila sa isang poste.
Sinubukan nilang lumangoy papunta sa gilid pero nabigo dahil sa lakas ng agos, kaya bumitaw sila at magkasamang nagpaanod.
Makikita sa video na nakayakap ang rescuer sa biktima habang tinatangay sila ng tubig.
Ilang minuto silang inaanod, hanggang sa mapadpad sila sa mababaw na bahagi ng ilog at doon tuluyang nailigtas.
"That time, bumitaw na lang siya para maanod dahil sa lakas ng agos. Ma-secure lang niya nang maayos ang biktima. So nu'ng nagpaanod sila, alam niya kung paano i-handle ang biktima kaya naman nakaligtas sila. Pero sa several attempts, ilang beses silang lumubog," sabi ni Juneray Valero, head ng Valencia CDRRMO.
Kinilala ang binatilyo na si Eldrich Rodriguez, na nasalubong ang baha at na-trap sa tubig sa kasagsagan ng forced evacuation.
Base sa panayam kay Cabaluna sa isang lokal na estasyon, ito ang unang beses na nagpaanod siya sa agos sa loob ng 10 taon niyang pagiging rescuer.
Bagama't hindi madali, masaya siyang natupad niya ang kaniyang sinumaang tungkulin na magligtas ng buhay ng iba kahit pa malagay din sa alanganin ang kaniyang kaligtasan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News