Patay ang isang babaeng rider matapos mabangga ng isang kotse sa Sta. Teresita, Batangas ang minamaneho niyang motorsiklo. Ang biktima, nakatigil sa kalsada at naghihintay ng tiyempo para makatawid.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," kinilala ang biktima na si Rachel Terible.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng kotse na si Luis Gonzales.

Nangyari ang trahedya dakong 7:00 pm noong Lunes sa highway sa Barangay Antipolo. Malakas umano ang buhos ng ulan nang mga sandaling iyon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakatigil sa highway si Terible habang naghihintay ng tiyempo upang makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.

Pero maya-maya lang, nasalpok na siya sa likuran ng kotseng minamaneho ni Gonzales. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon umano ang biktima.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital si Terible.

Aminado naman si Gonzales sa nangyari. Hindi raw niya napansin ang motorsiklo dahil na rin sa lakas ng ulan.

Humingi siya ng tawad sa pamilya ng biktima.

Mahaharap si Gonzales sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

Sinisikap pang makuha ang panig ng pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News