Isang lineman ang nasawi, habang sugatan ang dalawa niyang kasamahan matapos silang makuryente habang nagtatayo ng poste sa Narvacan, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nang dumikit sa live wire ang itinatayo nilang poste sa Barangay Pantoc.
Ayon sa nakaligtas na lineman na si Carlos Paa, hawak niya ang poste kasama ang isa pang lineman na si Charles Aquino nang mangyari ang insidente.
“Noong maitapat na namin ang poste sa butas, doon nadikit sa live wire, nu’ng nakukuryente kami. Namamanhid katawan ko at may maingay sa tainga ko,” sabi ni Paa, na nagtamo ng mga sugat sa paa at braso.
Nagtamo rin ng sugat si Aquino na nananatili pa sa ospital, habang nakauwi na si Paa.
Pero ang isa pa nilang kasama na si Michael Castillo, 40-anyos, binawian ng buhay.
Ayon kay Patrolman Nathaniel Cuaresma, duty investigator ng Narvacan Police, kulang sa protective gloves ang mga biktima para sana hindi sila nakuryente.
Sinabi sa ulat na tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng nasawi at ang pinapasukan nilang kompanya.
Gayunman, nangako umano ang kompanya ng tulong pinansiyal sa mga biktima.--FRJ, GMA News