Nauwi sa trahedya ang outing ng magkakamag-anak sa Botolan, Zambales na mula sa Bulacan. Tatlo sa kanila ang nalunod habang nawawala ang isa pa.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng awtoridad na unang nakita ang katawan ni Donna Santiago, 36-anyos.

Sunod na nakitang lumutang ang katawan ni Rialyn Rosales, 17, at ang lolo na si Reynaldo Santiago, 60.

Patuloy naman hinahanap ang iba pang biktima na si Rain Santiago.

Ayon kay Gilbert Victorio, kaanak ng mga biktima, malakas ang alon nang maligo ang mga biktima at natangay ang dalawang bata na hindi marunong lumangoy.

Sinabi naman ng pulisya, napunta umano sa malalim na bahagi ng dagat ang dalawang bata. Sinubukan silang iligtas ng lolo na kabilang sa mga nasawi.

Hindi raw naging maging madali ang paghahanap sa mga biktima dahil sa malalaking alon.--FRJ, GMA News