Isang lola ang kinagigiliwan sa Naga City, Camarines Sur, dahil sa kabila ng kaniyang edad ay nakapagsasayaw pa siya.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, kahit 91 anyos na ay kaya pa ni lola Angelita Belen na makipagsabayan sa sayawan ng mga kabataan.

Aniya, tuwing makakikita siya ng sumasayaw o kaya'y makaririnig ng sayawan ay hindi niya mapigilang umindak.

Nagsisilbi na rin daw ehersisyo ni lola ang pagsayaw upang lumakas ang kaniyang katawan.

Kasama ang kaniyang pamilya, kung minsan ay hataw din daw ang lola sa pagsayaw sa TikTok.  —Alzel Laguardia/KBK, GMA News