Isang lalaki sa Camarines Sur ang inaresto matapos siyang ireklamo ng dati niyang nobya. Ayon sa biktima, nagbabanta raw ang suspek na ikakalat ang kaniyang mga pribadong larawan kung hindi siya makikipagbalikan.
Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing dinakip ang 29-anyos na suspek sa Panganiban Drive sa Naga City sa bisa ng warrant of arrest kaugnay sa kasong three counts ng paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act.
Ayon sa pulisya, dating magkarelasyon ang suspek at biktima at may mga pribado silang larawan. Ito umano ang ipinapanakot ng suspek sa biktima na ikakalat online kapag hindi nakipagbalikan.
Katunayan, mayroon na umanong larawan ng biktima na ipinost ng suspek.
Napag-alaman na naaresto na rin ang suspek noong Abril sa Barangay Triangulo dahil kasong paglabag sa Anti-Bastos law. Pero nakalaya ang suspek matapos magpiyansa.
Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News