Natagpuang patay sa bukid at pinaniniwalaang tinamaan ng kidlat ang isang binatilyo na naunang nagpaalam sa kaniyang pamilya na manghuhuli ng palaka sa Ilocos Sur. Sa Cagayan, isang magsasaka rin ang nasawi sa tama ng kidlat.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jerwin Agrisola, 14-anyos, na nakitang wala nang buhay sa bukid sa Barangay Oaig Daya sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nagpaalam umano ang biktima sa kaniyang tiyahin na manghuhuli ng palaka sa bukod noong gabi ng Sabado.
Ayon sa ina ng biktima, nauna na niyang pinaalalahan ang anak na huwag nang lumabas dahil nagsisimula nang umulan.
"10:00 pm yata ng gabi nagpaalam daw [sa tiyahin] na manghuhuli ng palaka. Pero noong gabi na iyon hindi siya nakauwi. Yun nga yung teorya na tinamaan ng kidlat," sabi ni Police Major Mercelo Martinez, Jr., Chief, PCO Prov'l Community Affairs Development Uniy.
May nakitang sugat sa leeg at nangitim ang dibdib ng biktima. Kumbinsido umano ang pamilya nito na tama ng kidlat ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Samantala, isang 44-anyos na magsasaka rin ang nasawi matapos tamaan ng kidlat sa Barangay Mangalinan sa Baggao, Cagayan.
Ayon sa pulisya, nagpaalam umano ang biktima na si Ronald Palomares, na bibitahin ang kanilang bukid pero inabutan ito doon ng malakas na ulan at tinamaan ng kidlat.--FRJ, GMA News