Nasabat ang samu't saring mga armas, bala at pampasabog mula sa isang compound na may sabungan at nagsisilbing kuta ng isang armadong grupo sa San Juan, Batangas. Ang dalawang lalaking napag-alamang wanted sa kasong murder, arestado.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang pagsalakay ng mga tauhan ng Batangas Provincial Police Office sa compound sa bisa ng search warrant, dahil sa mga ulat na may mga lalaking armado umano ng mga baril.
Matapos mapaligiran ang compound na dalawang ektarya ang laki, inumpisahan nang halughugin ng mga awtoridad ang mga watchtower.
Nabawi ang isang long firearm, dalawang granada at apat na bala ng rifle grenade, at tatlong baril din ang nakita sa mga kwarto.
"Kasi umuwi eh, hindi ko alam na diyan nilagay. Natulog lang naman ako sir," depensa ng suspek na si Romeo Bas Jr.
"'Yung sasakyan nila matutulin tapos pagka 'yung parang nata-traffic sila, pagbukas ng kanilang bintana, nagmumura sila, nagagalit sila tapos 'yung mga baril makikita mo sa loob, madami silang baril. 'Yung dulo ng baril sa loob makikita mo pagbukas ng bintana," sabi ni "Lando," isang residente.
Ang ilegal na sabungan naman sa loob ng compound, hindi rehistrado sa Philippine Amusement and Gaming Corporation at lokal na pamahalaan.
Sinabi ng PNP na dahil sa scam ng grupo, nakakaipon sila pambili ng mga farm at pampatayo ng mga istraktura.
"Ito rin daw po ay nagpapanggap o kaya ay sinasabi niya na siya po ay mayroong koneksiyon sa matataas na tao na may katungkulan sa ating pamahalaan," sabi ni Police Colonel Glicerio Cansilao, Provincial Director ng Batangas PPO.
Nadiskubre na wanted dahil sa kasong murder ang dalawa sa mga tauhan ng grupo, kaya agad silang dinakip.
Sinusubukan ng GMA News na kunan sila ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA News