Isang babae na anim na taong gulang ang nahuli-cam na nalaglag mula sa isang umaarangkadang tricycle at humandusay sa kalye sa Taal, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, makikita sa video na umaarangkada sa national highway sa Barangay Buli sa Taal, ang tricycle na bigla itong lumihis ang takbo nang makasabay ang isa pang tricycle.

Sa biglang pagliko ng tricycle papunta sa kabilang bahagi ng kalsada, makikita na isang bata ang nahulog mula sa sasakyan at napahandusay sa gitna ng kalye.

Mabuti na lang at hindi makabundol o makasagasaan ng ibang sasakyan ang biktima na nagtamo ng mga sugat at bukol kaya dinala sa ospital.

Napag-alaman na taga-Lemery ang biktima at papunta sa bayan ng Alitagtag kasama ang kaniyang lola nang mangyari ang insidente.

Sinasabing nawala sa tamang linya ang tricycle na sinasakyan ng biktima dahil nasagi ito ng nakasabay na tricycle.

Tumakas umano ang driver ng tricycle matapos ang insidente.

"Ang bata nga po ay nagtamo ng sugat sa ulo na hindi naman kalakihan pero lumobo ang bukol, dalawa. Masakit, sobrang sakit gawa nang hindi man lang namin nabigyan ng hustisya yung pangyayari," sabi ng ina ng biktima na si Divine Clarice Catapang.

"Kung maaari lumabas na siya, sumuko at mabigyan ng hustisya ang nangyari sa aming anak. Huwag siyang matakot dahil hindi naman kami gagawa ng masama sa kaniya," mensahe ng ginang sa driver.

Dahil sa nangyari, hindi na nakadala sa graduation ceremony sa kinder ang biktima.--FRJ, GMA News