Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaking tumatawid sa pedestrian lane sa Batangas na nasalpok ng motorsiklo at nasagasaan pa ng kotse. Ang rider na nakasalpok sa kaniya, bumangga naman sa kasalubong na jeep.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa highway ng Barangay San Roque sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas, dakong 5:30 am noong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktimang si Alfredo Abay na nakailang hakbang na sa pedestrian lane nang dumating ang humaharurot na motorsiklo na minamaneho ni Niel Anthony Coronel.
Nasalpok ni Coronel si Abay na natumba sa gitna ng kalsada.
Dahil sa pagkakabangga, napunta ang motorsiklo sa kabilang bahagi ng kalsada at nasalpok naman ng kasalubong na jeepney.
Pero ilang saglit lang matapos ang nangyari, isang bus ang muntik makasagasa sa nakahandusay na si Abay pero nakaiwas ito.
Ngunit ang sumunod na kotse, nagtuloy-tuloy at nasagasaan niya si Abay.
Parehong namatay sina Abay at Coronel.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na papasok na sa trabaho si Abay, na isang construction worker, nang mangyari ang trahediya.
Ang rider ng motorsiklo, maghahatid naman ng inorder na sisiw.
Sumuko naman ang driver ng kotse na nakasagasa kay Abay, pero wala pa siyang pahayag.
Naghihinanakit at hustisya ang hiling ng pamilya ni Abay dahil iniisip nilang baka nabuhay ang biktima kung hindi nasagasaan ng kotse.--FRJ, GMA News