Sa ospital ang bagsak ng isang rider nang mahagip ng sinasakyan niyang motorsiklo ang isang aso na biglang tumawid sa kalsada sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Buenlag ang nangyaring insidente.

Sumemplang ang rider at kamuntik pang mahagip ng kasalubong na SUV.

Nakaligtas ang rider, pero nahagip ng SUV ang aso.

Dinala sa ospital ang biktimang rider na si Alvin Mendez., 45-anyos, na nagtamo ng bali sa binti at kamay.

"Hindi naman po mabilis ang takbo ko...siguro yung bigat po ng katawan ko dahil medyo may katabaan ako kaya po nabali yung binti ko saka yung kamay ko," saad niya.

Ayon pa kay Mendez, papasok siya sa trabaho nang mangyari ang aksidente.

Hiling niya sa mga mag-alaga ng aso, "Sana po wag pabayaang yung kanilang mga aso na naka-kwan sa kalsada. Lalo na po yung nasa gilid ng kalsada kasi po malaking disgrasya yung naidudulot gaya po ng nangyari sa akin."

Samantala, isang rider din ang sumemplang at nasaktan nang mahagip naman niya ang isang pusa na bigla ring tumawid sa Barangay Poblacion East sa Calasiao pa rin.--FRJ, GMA News