Patay ang isang barangay chairman at Liga ng Barangay President ng Pontevedra, Capiz, matapos siyang pagbabarilin sa labas lang ng kaniyang bahay. Ang biktima, una na raw pinaputukan malapit sa barangay hall.

Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Frederick Dullano, 47-anyos, chairman ng Barangay Yabuk.

Sa kuha ng CCTV camera sa labas ng bahay ng biktima, makikita na bumaba si Dullano mula sa kaniyang SUV  na tila may tama na sa tagiliran.

Dumiretso si Dullano sa gate ng kaniyang bahay pero hindi siya pumasok at muling bumalik malapit sa kaniyang sasakyan at may kinausap na ilang tao.

Maya-maya lang, dumating ang salarin na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima nang malapitan.

Kaagad na tumakas ang salarin .

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na una nang nakarinig ng putok malapit sa barangay hall ng biktima. Nakapagmaneho pa si Dullano hanggang sa labas ng bahay, at sinundan ng mga salarin.

"Nag-start sa Baragay Tabuc malapit sa barangay hall. Tapos sinundan siya hanggang sa makarating sa kaniyang bahay ang biktima. Bumaba siya sa kaniyang sasakyan at doon na finallow-up ng gunman," ayon kay ni Police Major Syril Punzalan, hepe ng Pontevedra MPS.

Limang tama ng bala sa katawan ang tinamo ng biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, tatlong angglo ang tinutukan nilang motibo sa krimen. Mayroon na umano silang "person of interest."

"Bale sa trabaho niya as barangay kapitan and Liga President, negosyo, at ang kaniyang pag-suplay ng pagkain sa Capiz Rehabilitation Center. 'Yan ang ating mga tinutukan," sabi ni Punzalan.--FRJ, GMA News