Umamin na umano ang suspek sa pagpatay sa 24-anyos na babaeng industrial engineer sa Bulacan, ayon sa ulat ni Mark Makalalad sa Dobol B TV nitong Lunes.

Batay sa impormasyon galing kay Police Lieutenant Colonel Ferdinand Hermino, hepe ng Malolos Police, inamin ng suspek na si Darwin Hernandez ang krimen sa kaniyang pinanumpaang salaysay.

Ani Hermino, lasing daw si Hernandez nang isagawa ang krimen noong Hulyo 2 ng umaga laban sa biktimang si Princess Dianne Dayor. Pagnanakaw raw ang motibo ng suspek.

Bukod sa pag-amin ay nakuha raw mula kay Hernandez ang ilang gamit ng biktima, kabilang ang cellphone nito, ilang ID at ang kaniyang ATM card.

Matatandaang natagpuang patay si Dayor noong Hulyo 5 sa isang masukal na lugar sa border ng Guiguinto at Malolos.

Nasa kustodiya na ngayon ng Malolos Police si Hernandez na nahaharap sa ilang reklamo, kabilang na ang robbery-homicide.  —KBK, GMA News