AGDANGAN, Quezon - Hindi naging balakid sa mga taga-Agdangan, Quezon ang baha na nangyari sa kalagitnaan ng isang graduation.

Inabot ng malakas na ulan at binaha ang nasabing graduation ng Elias A. Salvador National High School nitong Biyernes.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, 200 senior high school students ang nagtapos sa paaralan at kasama sa nasabing seremonya.

Maayos naman daw ang panahon noong magsimula ang programa ngunit maya-maya raw ay bumuhos na ang ulan.

Makalipas ang ilang minuto ay bumaha na sa lugar.

Hindi naman alintana ng mga nagtapos ang baha. Kahit nakalubog sa baha ang mga paa nila ay tuloy pa rin ang seremonya.

 

Tuloy pa rin ang graduation kahit bumaha sa Elias A. Salvador National High School nitong Hulyo 8, 2022. Photo courtesy: Elias A. Salvador National High School

 

Ang mahalaga raw ay natuloy ang graduation na isa sa pinakamasayang yugto ng kanilang kabataan.

Masaya rin daw ang mga magulang ng mga batang nagtapos.

Ayon sa pamunuan ng Elias A. Salvador National High School, matagal na raw nilang problema ang pagbaha sa kanilang paaralan dahil mababa ang puwesto nito.

Naghihintay na lang daw sila ng pag-release ng pondo mula sa provincial government ng Quezon para maipaayos ang lugar. —KG, GMA News