Dinadayo at dinadasalan ng mga deboto ang isang bunga ng mais sa Iligan City matapos lumitaw umano rito at magmilagro pa ang isang imahen ng Birheng Maria. Ano naman kaya ang paliwanag ng Simbahan at mga eksperto?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Bernadette Reyes, makikita ang pagdarasal ng mga deboto sa maliit na kapilya kung saan naroon ang "Birhen sa mais."
"Dito sa Barangay Digkilaan, lahat sila pumupunta rito. Lahat lahat hinihingi nila, na mga [paggaling] para sa mga sakit. Napagdesisyunan naming lahat, pati pamilya nila, pagawaan diyan ng altar," sabi ni Virginia Ancho, na tagapag-alaga ng imahen.
Si Virginia na ang tumatayong tagapangalaga matapos pumanaw si Nanay Barita, ang nakapansin ng bunga ng mais.
Malapit si Virginia kay Nanay Barita. Bukod dito, malapit din ang lugar ni Virginia sa kapilya.
Ayon kay Virginia, Agosto 1, 2001 nang mag-ani ng mais si Nanay Barita. Nang buksan niya ito, nakita niya ang tila nakaukit na imahen ng Birheng Maria sa mais.
Kaya naman malaking tulong ang naibibigay umano ng imahen ng Birhen sa mais para sa mga deboto.
Kuwento ng naniniwalang si Eden Barita, may mga tao na ring hindi maganda ang intensyon umano at nagtangkang kunin ang Birhen sa mais.
"Nanghihingi sila dito kay nanay ng mga butil ng mais at sinasama nila ito sa kanilang mga binhi. Sa mga magsasaka, ang kanilang mga ani ay maganda talaga ang tubo at malalaki ang mga produktong napo-produce at naha-harvest ng mga magsasaka," sabi ng naniniwalang si Michelle Malasado.
Dagdag dito, mas lumilinaw din umano ang imahen ng Birhen sa pagtagal ng panahon.
"Ang hitsura sa mais, lumalaki siya tapos hindi nabubulok. Noon 'pag naubusan siya ng buhok, tumutubo," sabi ni Virginia.
Paliwanag naman ng science crop expert na si Dr. Lolita Beato, posibleng gawa ng mga tao ang nangyari dahil sa diumanong paglitaw ng Birhen sa mais.
"Posible na 'yung nangyari sa corn na meron kayo diyan ay it is being manipulated by human factors," sabi ni Dr. Beato.
Dagdag pa ni Dr. Beato, may hangganan at nabubulok ang anumang crop o pananim.
"Ang paglaki ng corn, that is by nature. Wala tayong variety ng mais na may birhen. Merong mais na lumaki kasi meron na siyang sakit. Ito namang grain crops na ito ay masisira. Nabubulok din 'yan kahit ano pang pagkakatubo niyan," ani Dr. Beato.
"Kaya siguro napakita ang birhen sa mais para naman ang tao sumipag silang magtanim. 'Yung mga tao nakalimot na sa kaniya, para magbalik sila sa pagdasal," para naman kay Virginia.
Paliwanag naman ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary Father Jerome Secillano, kailangan pa ng pagsusuri ng mga pari at mga eksperto sa siyensiya at medisina.
"Ang pagpapalakas naman sa pananampalataya natin ay hindi nakadepende sa mga milagro. Sapat nang malaman natin na may Diyos, sapat nang malaman natin na meron tayong tagapagligtas," sabi ni Fr. Secillano. —LBG, GMA News