Ipinapamana ng isang 102-anyos na lola ang kaniyang kaalaman tungkol sa musikang Igorot sa mga apo at apo sa tuhod para mapanatiling buhay ang kanilang tradisyon sa Tadian, Mountain Province.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing ito ang pampalipas-oras ni Lola Irene Enyaka, o mas kilala bilang si Apo Bolo, mula sa tribong Kankanaey.
Isa sa kaniyang mga paborito at wala pa ring kupas na tinutugtog ang isang bamboo instrument na ginagamit para itaboy ang mga ibong kumakain ng mga palay, ayon sa apo niyang si Rafaela Enyaka Pilpilen.
Ito rin ang dating tinutugtog ng yumaong anak ni Apo Bolo.
Tumutugtog din si Apo Bolo ng kulisteng kapag hindi siya makatulog.
Tinuturuan ni Apo Bolo ang kaniyang mga apo at apo sa tuhod na tugtugin ang tongatong sa tuwing bumibisita sa kaniya ang mga ito.
Tradisyunal na tinutugtog ang tongatong bilang bahagi ng isang ritwal, na sinasabayan kung minsan ni Apo Polo ng pagkanta.
Sinabi ni Apo Bolo naging matagal at makulay ang kanyang buhay dahil sa malalim na pagmamahal at debosyon sa kulturang Igorot. —Jamil Santos/VBL, GMA News