Nauwi sa trahediya ang fluvial parade sa Apalit, Pampanga matapos makuryente at masawi ang tatlong deboto na sakay ng bangka at ikasugat ng tatlong iba pa.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing ang parada sa ilog ay kaugnay ng kapistahan ni St. Peter the Apostle na magmula sa kaniyang shrine sa Barangay Capalangan papunta sa Pampanga River.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nangyari ang insidente nang sumabit ang bakal ng banderitas ng banka sa live wire na sanhi ng pagkakakuryente ng anim na biktima.
"Hindi raw nila napansin dahil hindi na sila makapili halos madadaanan [sa dami ng bangka]. Natapat sila doon sa medyo mababa na [nakalaylay] na parte ng high tension wire," ayon kay Police Leiutenant Colonel Jose Charmar Gundaya, hepe ng Apalit Police Station.
"Kahit daw hindi dumikit 'yon [bakal] basta within 12 inches ang distansya, magkakaroon ng current yung bakal na didikit doon sa high tension wire kasi napakalakas daw ng kuryente nun," patuloy ni Gundaya.
Sinabi pa ng opisyal na tinitingnan nila kung may pananagutan sa nangyaring insidente ang kapitan ng bangka.
Kaagad na isinugod sa ospital ang mga nakuryente pero nasawi ang tatlo.
Nagtamo naman ng matinding sugat ang isa pa, habang minor injuries lang ang tinamo ng dalawang iba pa.
Ayon sa pulisya, hinihintay nila ang pasya ng mga kaanak ng mga nasawi kung magsasampa sila ng kaso laban sa responsable sa insidente.
Sa kabila nang nangyari, sinabi ng mga awtoridad na nagpatuloy pa rin naman at natapos ang prusisyon. --FRJ, GMA News