Tumagilid ang isang truck at nagkalat sa kalsada ang karga nitong kahon-kahong bote ng alak sa Olongapo City. Ang driver ng sasakyan, nasawi.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Old Cabalan sa Olongapo.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na mabilis ang takbo ng truck hanggang sa tuluyan itong tumagilid at dumausdos.
Nagkalat sa daan at nabasag na mga bote ng alak na karga ng truck.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na galing sa Bataan ang truck at papunta sa city proper ng Olongapo.
"Ito kasi ay pababa siya na kurbada (na daan). Sa kurbada mismo, nawalan ng kontrol itong truck, dire-diretsto na itong tumumba pakanan. Yung na kumalat doon yung cases ng alcohol (alak)," ayon kay Police Corporal Mark Lising, imbestigador sa Olongapo Police station.
Nasawi sa sakuna ang driver ng truck na si Roberto Mabini, 59-anyos, habang sugatan ang kaniyang pahinante.
Nadamay din sa aksidente ang dalawang nakaparadang morotsiklo.
"Human error itong nakikita natin dito sa initial investigation namin. Kasama na rin yung bigat ng load nung track. Actually iyan (lugar) ay isa mga accident prone areas natin," sabi pa ni Lising. --FRJ, GMA News