Nahuli-cam ang ginawang pananalisi ng isang kawatang lalaki na tumangay sa bag ng isang lolang nagsisimba sa Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ni Jessie Cruzat sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa video ang biktima na nakatayong nagdarasal sa loob ng Metropolitan Cathedral sa Naga City.
Nasa likod naman niya ang isang lalaki na tila nagdarasal din. Pero maya-maya lang tumayo, ang lalaki at lumapit sa likuran ng biktima at kinuha ang bag na nasa ibaba.
Mabilis na lumabas ng simbahan ang lalaki matapos na makuha ang bag. Ang biktima, huli na nang malaman niya na wala na ang kaniyang gamit.
Napag-alaman na laman ng bag ang mga ID, isang cellphone at pera na aabot umano sa P1,000.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Ikinalungkot naman ng Archdiocess of Caceres ang nangyaring nakawan sa loob ng simbahan. Nagpaalala din sila sa publiko na maging alerto kahit nasa loob ng simbahan.--FRJ, GMA News