Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang lalaking sakay ng motorsiklo matapos siyang harangin at pagsasaksakin ng mga nakaalitan niya sa kalsada sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Darius Nepomuceno, 24-anyos.
Ayon sa kaanak ng biktima, sakay ng motorsiklo si Nepomuceno para maghatid ng kaibigan nang harangin sila ng dalawang suspek na nakasakay sa garong (isang uri ng tricycle) sa Barangay La Fuerte.
Nagtamo rin ng saksak ang kaibigan ng biktima pero nakaligtas, sabi ng kapatid ni Nepomuceno.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na bago ang krimen ay may nakatinginan nang masama sa daan ang biktima.
"Pareho silang nakainom, yung grupo ng biktima at yung grupo ng suspek. Parang nagkaroon sila ng sigaan sa daan kasi parehong lasing, nagyayabangan. Noong pagbalik, doon na nangyari," ayon kay Police Corporal Jerry Oria, imbestigador, Sta Rosa, Police Station
Sinabi ng pulisya sumuko na ang isang suspek, habang hinahanap ang isa pa. --FRJ, GMA News