Nabalutan ng takot ang dapat sana'y masayang pamamasyal ng ilang tao sa isang perya matapos na tumagilid at huminto ang sinakyan nilang Ferris wheel sa Daet, Camarines Norte. Ang isa sa 15 nasagip, may sakit sa puso.
Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing pinagtulungang iligtas ng mga awtoridad ang mga nakasakay matapos mangyari ang insidente Biyernes ng gabi.
Ang ilan sa mga nasagip ay kinabitan pa ng tali para maibaba, samantalang may ilan ding isinakay sa boom truck.
Nagsagawa ng inspeksiyon nitong Sabado ang lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection sa perya.
"Sa findings po namin, probably nagkaproblema po tayo sa foundation nitong lupa. May bumigat na part ng lupa kaya tumagilid, na-disarrange 'yung gulong na nakapaikot sa railings," sabi ni Fire Officer 1 Joel Quiñano ng BFP.
Isa si Mary Ymanuella Borjal sa mga iniligtas ang may sakit sa puso.
"Nag-panic po kami kasi akala namin matutumba talaga 'yung mismong Ferris wheel. Nakaka-trauma lang 'yung nangyari, kasi based sa na-experience namin habang nakahinto kami, wala kaming idea kung ano 'yung gagawin namin," sabi ni Borjal.
Pinuna naman ni Julius Garcia ang pagpayag ng pamunuan ng perya na pasakayin ang mga bata kahit may karatula na "Bawal."
Humingi ng tawad si Jason Lopez, isa sa may-ari ng perya, pero kinlaro niyang hindi siya nagkulang na paalalahanan ang mga operator na maliban sa laging inspeksyunin ang mga makina, dapat din nilang sundin ang age limit ng bawat ride.
Ayon kay Lopez, dapat na kasama ng mga tatlong taong gulang at pataas ang kanilang mga guardian.
"'Yung Ferris wheel po na isa na open hindi po kami nagpapasakay ng ganu'ng edad. 'Yan naman po ay closed," sabi ni Lopez.
Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng perya sa mga awtoridad para mapabilis ang imbestigasyon, habang sinuspinde muna ang operasyon ng perya. — Jamil Santos/DVM, GMA News