Patay na at may mga sugat sa katawan nang matagpuan sa damuhan ang isang lalaki na tatlong araw nang nawawala sa Zambales. Ang mga kaanak niya, hinihinalang pinaslang ang lalaki, pero iba ang lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ni Argie Bulatao, 27-anyos, sa damuhan na nasa loob ng bakod sa gilid ng highway sa Barangay Pangalingan sa Iba, Zambales noong Mayo 28.
Mayo 25 nang magpaalam si Bulatao na susunduin ang kaniyang mag-ina sa Botolan, Zambales sakay ng kaniyang motorsiklo.
Pero hindi nakarating sa Botolan ang biktima kaya inireport sa pulisya ang kaniyang pagkawala.
Hanggang sa makita ng isang magsasaka ang kaniyang bangkay sa damuhan na nangangamoy na umano. Nasa tabi ng biktima ang kaniyang motorsiklo.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan at mukha ang biktima.
"Hindi naman namin akalain na ganun ang nangyari sa kaniya. Halos hindi kami makapaniwala kasi ang tingin namin parang salvage ang nangyari sa kaniya," ayon kay Erick John, kapatid ng biktima.
"May butas po sa parteng panga niya. Tapos may basag sa noo niya. Kung ganun yung nangyari sa kapatid namin, sana makonsensiya naman sana yung gumawa sa kaniya," dagdag niya.
Pero paliwanag ng pulisya, hindi pinaslang ang biktima kung hindi naaksidente sa kaniyang motorsiklo.
"Based doon kasi sa traces sa motor niya, at the same time yung skid mark na nakita doon sa area, sa aming palagay ang pangayari dito sa tao, ang sanhi ng kaniyang ikinamatay ay internal hemmorage," ayon kay Police Staff Sergeant Enrico Mana, Deputy Investigator, Iba Police Station.
Nananawagan ang pamilya ng biktima na magkaroon ng malalim na imbestigasyon.-- FRJ, GMA News