Isang whale shark o butanding ang aksidenteng nalambat ng mga mangingisda sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Sa ulat ni PJ Dela Pena ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing nangyari ang insidente sa Baybay Galas, kung saan nagkagulo ang mga residente dahil sa dami ng nalambat na mga nagtatalunang isda.
Pero bukod dito, meron din silang nalambat na mabigat na "bagay."
Inakala nila noong una na isa lamang itong malaki at mabigat na kahoy. Pero nang tingnan sa ilalim ng tubig, isa pala itong whale shark.
Nag-alala ang mga residente sa sitwasyon ng nahuling whale shark, kaya nagtulungan silang maibalik ito sa malalim na bahagi ng dagat.
Ito raw ang unang beses na nakakita ang mga residente ng whale shark sa lugar.
Makalipas ang ilang minuto, ligtas na napakawalan ang whale shark sa lambat.
Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na posibleng nadala sa mababaw na bahagi ng dagat ang whale shark dahil malakas ang current ng dagat.
"Ang gagawin sa kaniya, basta wala siyang sakit, active dapat siyang ibalik sa dagat," sabi ni Arcelita Andaya, PFO ng BFAR-9 Dipolog.
Nakasaad sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act na bawal saktan at patayin ang whale shark, na isang endangered species. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News