Isang miyembro umano ng teroristang grupo na Daulah Islamiyah (DI) ang napatay, at isa pa ang naaresto sa M’lang, Cotabato nitong Miyerkules, ayon sa militar. Ang mga suspek, hinihinalang nasa likod ng mga pambobomba sa iba't ibang lugar sa Mindanao.
Sa isang pahayag, kinilala ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ang napaslang na suspek na si Monir Lintukan. Habang ang naaresto ay kinilalang si Randy Karon o “Bong,” miyembro umano ng DI Maguindanao Group.
Tinugis ng 602nd Infantry Brigade and Police Regional Office 12 ang mga suspek dahil sa mga nangyaring pagpapasabog sa Parang, Maguindanao; Koronadal City, South Cotabato; at Tacurong City, Sultan Kudarat.
Ayon sa Wesmincom, nakasagupa ng mga awtoridad ang ilang miyembro ng DI sa pangunguna ng isang Almoben Camen Sebod o Polok.
Sangkot din umano si Sebod sa extortion at iba pang ilegal na aktibidad, ayon sa militar.
Matapos ang sagupaan, nakita ng mga awtoridad ang katawan ni Lintukan.
Ayon sa militar, nakuha din sa lugar ng engkuwentro ang isang 5.56mm M16 rifle, magazine ng M16, improvised explosive device, at iba pang gamit.
Noong Mayo 26, isang tricycle driver ang nasugatan sa pagsabog na naganap sa loob ng bus sa Koronadal City, South Cotabato. Isa pang pagsabog ang nangyari sa bakanteng lote sa Tacurong City, Sultan Kudarat sa nasabi ring araw.
Nitong nakaraang Lunes, niyanig ng pagsabog ang parking lot na malapit sa isang fast-food chain, at sa motor pool ng isang bus company sa Isabela City, Basilan.
Dahil sa mga insidente, inilagay ng pulisya sa full alert ang kanilang puwersa sa Mindanao.—FRJ, GMA News