Napatay sa rescue operation ang apat na Chinese nationals na umano'y dumukot sa kanilang kababayan sa Cebu. Ang biktima, tagumpay na nailigtas.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabi ni Police Lieutenant Zosimo Ravanes, Team Leader ng Anti Kidnapping Group, Visayas Field Office, na dinukot ng mga suspek ang 70-anyos na biktimang negosyante sa Cebu City noong Mayo 25.

Matapos ang pagdukot, dinala ng mga suspek ang biktima sa inupahan nilang bahay sa Lapu-lapu City.

Nang matunton ng mga operatiba ang kinaroroonan ng biktima at mga suspek, isinagawa na ang rescue operation.

Pero nang dumating umano ang mga awtoridad, nagpaputok na ang mga suspek at tinamaan ang isang pulis. Nakaligtas ang operatiba dahil sa suot nitong bullet proof vest.

Sa halip na sumuko, lumaban umano ang suspek hanggang sa mapatay sila ng mga awtoridad sa engkuwentro.

May nakuhang mga passport sa pinangyarihan na engkuwentro na nagpapakilalang mga Chinese ang mga suspek. Pero bineberipika pa ito ng mga awtoridad.

Ligtas naman ang biktima na limang taon nang nagnenegosyo sa Lapu-lapu.

Ayon sa awtoridad, modus ng grupo na maghanap ng bibiktimahin sa tulong ng kasabwat na Filipino. Kapag nadukot na ang biktima, tatawagan umano ng mga suspek ang pamilya nito sa China para hingan ng pera.

Inaalam din ng mga awtoriad kung may kaugnayan ang napatay na apat na suspek sa mga Chinese na nauna nang nahuli noong May 7 matapos na dukutin ang isa pang Chinese. --FRJ, GMA News