Arestado ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa paghingi umano nito ng "padulas" para babaan ang buwis ng mga binibiktima niyang negosyante sa Zamboanga City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita ang pag-aksyon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation - Western Mindanao Regional Office (NBI-WEMRO) matapos tanggapin ng suspek sa entrapment operation ang marked money.
Kinilala ang suspek na si Flora Albao, Revenue Officer 4, na nakadestino sa BIR Zamboanga City. Sinubukan pa niyang tumawag ng saklolo pero walang nangyari.
Natagpuan din ng mga awtoridad ang pulang paper bag na may lamang P500,000 na nasa ilalim ng mesa ng BIR officer.
Sinabi ng NBI na modus umano ng ng opisyal na magbigay ng napakataas na tax assessment ng mga bibiktimahin niya para mapuwersa ang mga ito na makipag-areglo.
Nagsumbong sa NBI ang isang biktima matapos siyang singilin ng P3 milyon buwis pero ibababa ito sa P2 milyon kapalit ng pera.
"Binibigyan sila ng pagkakataon na i-settle 'yung napakalaking tax deficiency daw, at kung hindi ay ipi-freeze nila ang mga asset nitong mga negosyante natin dito," sabi ni Head Agent Moises Tamayo, Acting Regional Director ng NBI-WEMRO.
"Sobrang sakit dahil mismo sa loob ng BIR office doon ginagawa ang mga karumal-dumal na gawain nitong mga ito," dagdag ni Tamayo.
Nahaharap na sa kasong robbery-extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang inarestong BIR official, na sinisikap pang makunan ng pahayag ng GMA News.
Sinusubukan din ng GMA News na makuha ang pahayag ang BIR.--Jamil Santos/FRJ, GMA News