Patay ang rider at ang angkas niyang nobya na dalawang buwang buntis matapos na salpukin ng nag-overtake umanong SUV ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Pavia, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Gerald Fuentebella, 29-anyos, at nobya niyang si Maria Leslie Grace Navarra, 31-anyos.

Sa kuha ng  CCTV camera sa Barangay Pandac, makikita na mabilis ang takbo ng SUV na minamaneho ng isang Marffy Reign Lagamo, 19-anyos, at napunta sa kabilang linya ng kalsada.

Doon na niya nasalpok ang kasalubong na motorsiklong minamaneho ng magkasintahan.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima at kaagad na nasawi.

Ayon kay Leiutenant Soviet Torre, deputy chief ng Pavia MPS, nag-overtake umano ang SUV kaya napunta sa kabilang linya ng kalsada.

Nahaharap si Lagamo sa mga reklamong reckless imprudence resulting to two counts of homicide, damage to property, at unintentional abortion.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.--FRJ, GMA News