Patay ang isang sabungero matapos na mahiwa ng tari ang kaniyang hita nang biglang pumiglas ang kaniyang panabong na manok sa Tagkawayan, Quezon.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng isang sabungan sa nasabing bayan noong Linggo.
Kilala ng pulisya ang biktima na si Ronnel Nator, 47-anyos, residente ng Barangay Candalapdap sa Tagkawayan.
Ayon kay Police Staff Sergeant Archiband Nase, imbestigator ng Tagkawayan Police, magbibitiw ng manok ang biktima nang biglang pumiglas ang panabong.
"Nagsasabong sila yung legal na sabungan dito sa Tagkawayan. Nung aktong magbibitaw na sila ng manok, aksidenteng nag-hysterical itong manok at tumama dito sa kaniyang hita (ang tari)," anang pulis.
Nasa tatlong pulgada umano ang haba ng tari na tumama sa biktima at naging sanhi ng matinding pagdurugo sa sugat.
Dinala sa ospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay. --FRJ, GMA News