One on one ang naging laban ng isang tindero sa palangke na second year high school lang ang tinapos sa pag-aaral laban sa isang duktor sa Dolores, Eastern Samar.
Matapos ang bilangan ng mga boto, naghari ang tindero na si Rodrigo Rivera, na nakaipon ng 11,508 boto laban sa 10,946 na nakuha ng katunggali niyang si Dr. Zaldy Carpeso.
Ang outgoing mayor na si Shonny Carpreso na kaanak ni Zaldy, walang kalaban sa posisyon bilang bise alkalde.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Rivera na mahirap ang buhay nila noon kaya hanggang 2nd year high school lang ang natapos niya sa pag-aaral.
Naging chairman si Rivera ng Barangay sa Gap-ang, bago naging tindero ng mga gulay at iba pa sa pamilihan ng Dolores.
Nitong nakaraang halalan, tumakbong siyang alkalde nang walang partido na kinaaniban. Kasama ang kaniyang pamilya, inikot daw nila ang mahigit 40 barangay sa Dolores para manuyo ng mga botante.
Naging mahirap daw ang kaniyang kampanya at kung minsan ay nakikikain na lang sila sa mga kaibigan sa barangay.
Ang tanging programa daw ng kaniyang administrasyon bilang alkalde ay tulungan ang mga mahihirap na makaahon sa buhay.
Tiniyak din niyang bukas sa lahat ang kanilang munisipyo.--FRJ, GMA News