Inilibing na ang pinaslang na barangay chairman na kandidatong konsehal sa San Fernando, Pampanga. Kasabay nito, inanunsyo ng partido ng biktima na hahalili sa kandidatura nito ang kaniyang maybahay.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing binigyan ng 21 gun salute nang ihatid sa huling hantungan si Alvin Mendoza, chairman ng Barangay Alasas sa San Fernando.
Tinambangan at pinagbabaril ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo si Mendoza habang nasa kaniyang kotse sa Barangay Magliman sa Bacolor, Pampanga.
Hindi pa malinaw kung may kaugnayan sa pulitika ang pagpatay kay Mendoza na kandidatong konsehal sa San Fernando sa darating na halalan.
Sa kuha ng CCTV camera sa nangyaring ambush, makikitang siniguro ng mga salarin na mapapaslang nila ang biktima bago sila tumakas.
Nanawagan ng hustisya ang mga kaanak, kaibigan at mga tagasuporta ni Mendoza.
Sa video na ipinost naman sa social media, inihayag ng kapartido ni Mendoza na papalit ang kaniyang misis bilang opisyal na kandidato nila sa pagka-konsehal.
Ayon kay Atty Elmo Duque, Assistant Regional Director ng Commission on Election (Comelec-3), pinapayagan ang pagpapalit o substitution sa pumanaw na kandidato.
Pero kailangan na kaapelido ng namatay ang ipapalit na kandidato at aprubado ng kaniyang partido.--FRJ, GMA News