Nasapul sa CCTV ang ginawang panunutok ng baril, pagnanakaw, at pananakit ng armadong grupo sa isang barangay chairman at mga tanod sa Buenavista, Agusan del Norte.
Sa GMA News Feed, mapapanood ang insidente na naganap noong Mayo 3 sa nasabing lugar.
Inilahad ng punong barangay na nasa labas sila ng kaniyang bahay nang huminto sa kanila ang grupo ng mga suspek na armado ng baril.
Tinutukan sila, kinapkapan at pinadapa. Hinanap din ang barangay chairman na sa kabutihang palad ay hindi pala kilala ng mga salarin.
Makikita pa sa footage ang isang lalaki na sumipa sa gate at pumasok sa bakuran para hanapin ang kapitan, at pinagbabaril niya ang mga CCTV sa loob ng bahay.
Gayunman, hindi nakita ng lalaki ang CCTV na nasa puno na nagre-record ng footage ng pangyayari.
Mabilisan ang naging pag-atake ng mga armadong lalaki at natangay ang mga gamit ng mga biktima.
Isang libong pisong halaga lamang ng pera ang nakuha mula sa kanila, pero kinuha ng mga suspek ang lahat ng kanilang ID.
Ligtas ang lahat ng mga biktima, pero na-trauma sila sa pangyayari.
"Siyempre pagkasabi nilang dapa, dumapa talaga ako. Tapos 'yung kapatid ko at isa kong buddy, hindi sila dumapa nang maayos kaya nagpaputok ang mga armado. Puwersahan silang pinadapa. Nagkasugat-sugat ang tuhod at siko nila," anang barangay chairman.
"Ako, nanalangin talaga ako," dagdag niya.
Nitong Abril, pinagbabaril din ng mga armadong lalaki ang dalawa pang barangay chairman sa parehong bayan, na nangyari rin mismo sa bahay ng mga biktima.
Ayon sa punong barangay na pinakahuling nilusob ng mga salarin, iisa ang sinusuportahan nilang kandidato.
Patuloy ang imbestigasyon ng Agusan del Norte PNP sa mga insidente, at tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang kanilang motibo.--FRJ, GMA News